Sunday, January 2, 2011

PANAGINIP (Maikling Kwento)

Nanaginip ako kagabi. 

napunta ako sa isang planeta. isang magandang planeta. sa una, hindi ako makapaniwala. dilat na dilat ang mga mata ko. malakas ang kabog ng dibdib ko. nasaan ako? hindi kaya nasa mundo ako ng mga engkanto? pero ilang saglit may lumapit bigla sa akin. iba ang kanyang hitsura. iba ang anyo. Tinanong ko siya kung nasaan ako. Hindi siya sumagot. Kundi, sumenyas siya. pinasusunod ako. 



Sumunod ako. Lumusot kami sa isang butas. Ang kaninang maliwanag na maliwanag na paligid ngayon ay lalong naging matingkad. Iba ang anyo ng paligid. High tech! Lahat lumilipad! Kotse, bahay, palaruan…pati mga tao roon! 



Tinanong ko ung nagdala sa akin doon. Bakit ganun? Sabi niya, makapangyarihan silang lahat. Lahat may kakayahang palutangin ang mga bagay. Pati ang kanilang sarili. basta lahat. Napa-wow ako! 



Ayun nga. Naglakbay pa kami. Lumusot sa mga butas na saglit lang kung lamunin kami ng kadiliman at saka ulit makikita ko ang kamangha-manghang lugar nila. Hanggang sa huminto kami sa isang lugar na wala ni isang nakikita kundi maputing liwanag. Hanggang sa lumitaw ang isang hagdan mula sa kalangitan. BUmaba iyon sa kinaroroonan namin. Umakyat roon ang nilalang na nagpapasunod sa akin. SUmunod ako. Inakyat namin iyon na tila haharap ako kay San Pedro. 



Ilang saglit, sa itaas. Matapos marating ang pinakatuktok. At mawala bigla ang hagdan na tila mahika ay humarap akong muli sa blangkong liwanag. Ngunit hindi naglipat minuto, tila puting ulap na nahawi ang liwanag at lumitaw ang isang napakarangyang palasyo. balot iyon ng ginto at kamanyang. 



Lumapit ako. At handang hawakan ang palasyo. Damhin kung totoo ba iyon. Subalit sumigaw ang nagdala sa akin doon. Huwag ko daw hawakan kung ayokong mamatay. Ang sabi ko. handa akong mamatay. Sa tanang buhay ko ngayon lang ako nakakita ng ganoon. Gusto kong malaman ang pakiramdam ng may ginto sa kamay. Malaman ang temperatura at tekstura niyon. Higit, malaman kung tunay bang lahat iyon. Kahit hula ko’y panaginip lahat iyon. 

Lumapit ang nilalang sa akin. Kinuha niya ang aking kamay. At sa gulat ko, mabilis ko iyong binitawan. Napakainit ng kanyang kamay! Na kung nagtagal ay malamang nasunog na ako. tumango ang nilalang. Iyon daw ang dahilan. Mas mainit ang temperatura ng palasyo kaysa sa kanya. Ilan lamang ang nakakapasok sa palasyo. Kailangan ng permiso mula sa mahal nilang pinuno na naroon. 



Tumango ako. Ang takot ay nagsimulang bumuo sa puso ko. Sa dibdib. Naroong gusto ko ng tumakbo. Hindi pala lahat ng nakikita ko’y kagandahan ang hatid. Hanggang sa paningin ko lamang. Hanggang sa aabutin ng aking mga mata. Subalit iba ang pakiramdam. 



Oras na. Sabi ng nilalang. Narinig ko ang unti-unting pagbukas ng tarangkahan. Narinig ko ang malakas na langitngit nito. Subalit bago ko pa man makita kung sino at ano ang itinatagong karangyaan ng palasyo…ay, 



nagising ako. 

No comments:

Post a Comment